Sa paanan ng Bulkang Pinatubo, nakatira ang mag-asawang sina Baluakan at Bikang. Sadyang napakasipag at napakatiyaga ng mag-asawa. Sa kabila nito ay napakatagal at ilang taon na ang nilipas ng kanilang natatanging kahilingan. Isang kahilingan na inaasam na dumating sa bawat araw.
Isang umaga.
“Baluakan, nakahanda na ang almusal. Kain na tayo,” wika ni Bikang.
“Sige Bikang kain na tayo at ng makapunta na tayo sa bukid,” sagot ni Baluakan.
Pagkatapos kumain, inihanda na ng mag-asawa ang mga kagamitan sa paghahanda ng taniman at saka nagtungo sa kanilang bukid.
Sa kanilang paglalakad patungo sa bukid ay nakasalubong nila si Nanay Epang.
“Saan kayo pupunta mga anak?” tanong ni Nanay Epang.
"Pupunta po sa bukid upang maihanda ang lupang pagtatamnan,” wika ni Baluakan.
“Aba! Sobrang sipag naman ninyo. Para saan ba ang pagsisikap na ginagawa ninyo?” tanong ni Nanay Epang.
"Iyon nga po eh, hanggang ngayon wala pa rin ang aming inaasam-asam na biyaya,” sagot naman ni Bikang.
"Sige, mga anak, hintayin na lang ninyo. Pasasaan ba at darating din iyan. Mag-ingat kayo,” sabi ni Nanay Epang.
“Ingat din po kayo,” sambit ng mag-asawa.
Pagdating ng mag-asawa sa bukid ay nagsimula na silang maghanda ng lupang pagtatamnan. Inayos ni Baluakan ang halak na ilalagay sa lupang pagtatamnan at pagsasagawa ng ritwal. Samantala, si Bikang naman ay nagluto ng nilagang kamote at nagpainit ng tubig para sa kape. Pagkatapos ng trabaho, masaya silang nagsalo sa meryenda na inihanda ni Bikang.
Kinagabihan, napasarap ang tulog ng mag-asawa dahil sa pagod. Sa kalagitnaan ng gabi, biglang nagising si Baluakan sa isang panaginip.
“ Bikang, asawa ko," sabi ni Baluakan.
“Ano iyon, anong nangyari?" tanong ni Bikang.
“Nanaginip ako! “Maganda daw magtanim doon sa lugar na nilagyan ko ng hal-ak,” ang masayang sagot ni Baluakan.
“ Ah! Maganda pala kung ganoon. Salamat, Apo Namalyari,” sagot ni Bikang.
Araw-araw ay palaging nasa bukid ang mag-asawa. Nagtutulungan sila sa paggawa sa bukid. Nilinis na nila ang kanilang lupang taniman at kumuha rin ng mga kasama na magaararo at magtatanggal ng mga damo.
Nakatuon sa bukid ang buhay ng mag-asawa. Inaalagaan nilang mabuti ang kanilang pananim tulad ng palay. Pagod man sa pagtatrabaho sila naman ay masaya. Nanatili ang pagmamahal at pagsusumikap nilang dalawa kahit na alam nila na may kulang sa buhay nila.
Isang gabi, naabutan ni Baluakan sa may balkonahe si Bikang na may malalim na iniisip. Nakita niya may bakas ng luha ang kanyang mga mata. Kaagad niya itong inusisa.
“Ano ang bumabagabag sa iyo, Bikang?" tanong niya.
“Baluakan, napakapalad ko dahil sa iyong pagsisikap, pagaalaga, at pagmamahal sa akin. Ngunit ang tanging makapagpupuno sa ating pagsasama ay hanggang ngayon hindi ko pa rin maibigay sa iyo,” buong kalungkutan na nasambit ni Bikang.
Ramdam ni Baluakan ang bigat sa puso ni Bikang kaya siya ay nag-isip ng paraan kung paano mapasayang muli ang asawa.
Sumanggani si Baluakan sa mga nakatatanda sa kanilang tribo. Iisa lamang ang kanilang kasagutan, ang pananampalataya sa kapangyarihan ni Apo Namalyari.
Taos sa puso ni Baluakan na maibibigay ni Apo Namalyari ang tanging kahilingan nila ni Bikang. Pinangunahan ni Baluakan ang panalangin na nakaharap sa silangan o lugar na kung saan sumisikat ang araw. Kasunod ang pagsindi ng talo at panalangin ng mga baliyan.
Lumipas ang mga araw, buwan, at taon. Ang kanilang kahilingan ay sadyang napakailap kina Baluakan at Bikang. Ngunit ito ang lalong nagpatibay sa kanilang pagsasama bilang mag-asawa.
“Bikang, halika at may dala akong mga sariwang prutas mula sa ating bukid,” yaya ni Baluakan.
“Salamat Baluakan,” sabi ni Bikang. Agad na kinain ni Bikang ang hinog na mangga.
“Ako ay tutungo na sa bundok upang manghuli ng ibon para sa ating hapunan,” paalam ni Baluakan.
Agad na tumango si Bikang na may ngiti sa labi sabay paalala na mag-ingat . Alam niya na ito ay tanda ng panunuyo ni Baluakan sa kanya.
Maaliwalas ang kalangitan. Malamig na simoy ng hangin ang sumalubong kay Baluakan kasabay ang masasayang huni ng mga ibon. Tila may lumukob sa katauhan ni Baluakan. Ang sikat ng araw sa silangan ay tila sumasabay sa sanglibong biyaya sa mga nilikha.
Napausal ng taimtim na panalangin si Baluakan.
“Apo Namalyari, salamat po sa patuloy na biyaya na ibinibigay mo sa amin. Patuloy pa rin po kaming nanampalataya sa iyo na iyong pagbigyan ang aming kahilingan ni Bikang,” buong pusong pagsusumamo ni Baluakan.
Agad na sinalubong ni Bikang ang asawa at ipinaghanda ng kape. Isang masayang hapunan ang pinagsaluhan ng mag-asawa na parang bagong kasal.
“Bikang, ikaw ang katuparan ng aking mga pangarap. Mapalad ako at ikaw ang binigay sa akin para makasama habang buhay,” pahayag ni Baluakan.
“Salamat, Baluakan, ikaw man ay napakahalaga sa aking buhay,” sagot ni Bikang.
Sa mga sumusunod na araw ay mayroon nang kakaiba na napapansin sa tindig ni Bikang. Maging ang mga kapwa niyang kababaihan ay nagkaroon na ng haka-haka. Isang makahulugan na ngiti ang nababakas sa mukha ni Baluakan.
Nagising si Bikang mula sa mahimbing na tulog. Napansin din ni Baluakan na nag-iba ang pakiramdam ni Bikang. Agad niyang sinapo ang pulso at nagulat sa kakaibang tibok nito.
Ang kahilingan ni Baluakan ay nabigyan na ng katuparan sa biyaya ni Apo Namalyari. Tunay nga na mayroon ng munting buhay sa sinapupunan ni Bikang. Ang kaniyang pagdadalang tao ay nagbigay na kaligayahan sa mag-asawa.
“Bikang, lubos ang aking pasasalamat kay Apo Namalyari dahil natupad na ang ating kahilingan,” pahayag ni Baluakan.
“Tama ka, ang ating pananampalataya ay nakatulong na mabigyan tayo ng anak,” sang-ayon ni Bikang.
Higit pang nagmahalan ang mag-asawa at sabik na hinintay ang pag-luwal sa kanilang anak.
Mabilis na lumipas ang mga araw. Isang batang lalaki na may malusog na pangangatawan ang kapiling na ng mag-asawa. Laging sumasama si Botsokoy saan man sila magpunta.
“Salamat, Apo Namalyari," pasasalamat ni Bikang.
“Tatay, sama po ako sa bukid natin,” sabi ni Botsokoy.
"Sige, basta maglakad ka,” pabirong sagot ni Baluakan sabay sakay sa kanyang balikat.
Buong kasiyahan na pinagmasdan ni Bikang ang kanyang magama sabay usal ng,"Salamat, Apo Namalyari."
Inhulat ni: Cristina A. Pangilinan boy Neddie D. Duplon
Inggolit ni: George P. Gamboa boy Dongil B. Bayani
Sambal Botolan, Filipino
Copyright: https://creativecommons.org/licenses/by/4.0/
See the original content here.
See the English version of the story here.