09 Hulyo 2024 - Binuksan ngayong araw ang Palarong Pambansa 2024 sa Cebu City, at naghatid ng mensahe si Vice President at kalihim ng Department of Education (DepEd) Sara Duterte para sa mga atleta at sa buong DepEd community.
Binuksan ni Duterte ang kanyang mensahe sa pagkilala sa Palarong Pambansa bilang isang mahalagang tradisyon ng DepEd na naglalayong paunlarin ang mga mag-aaral at ihanda sila para sa mas malaking kompetisyon sa buhay.
Ipinahayag niya ang kanyang pagsuporta sa mga layunin ng Palarong Pambansa 2024, na nagsusulong ng "akma, napapanahon, at dekalidad na edukasyon para sa mga kabataang Pilipino."
Pinasalamatan din ni Duterte ang iba't ibang sektor na nakipagtulungan sa DepEd para sa matagumpay na pagsasagawa ng Palarong Pambansa ngayong taon.
Binibigyang-diin niya ang kahalagahan ng partisipasyon ng mga atleta sa kompetisyon, na sinasabing "hindi kayo uuwing talo" dahil ang kanilang pakikilahok ay "isa nang tagumpay para sa bawat isa sa inyo."
Hinimok niya ang mga atleta na baunin ang mga leksyon na natutunan nila sa Palarong Pambansa, tulad ng pakikipagkaibigan, disiplina, pagpupursige, at katatagan, para sa katuparan ng kanilang mga pangarap.
Nagtapos si Duterte ang kanyang mensahe sa pasasalamat sa lahat ng mga kasangkot sa Palarong Pambansa 2024, kabilang ang mga guro, coaches, technical staff, mga magulang, at ang lokal na pamahalaan ng Cebu City at ng buong bansa.
Mabuhay ang Palarong Pambansa 2024!